Monday, July 12, 2010

Batang BJ

Isang araw, sa tanghaling hindi masyadong kainitan, noong kalagitnaan ng Mayo. Ako ay nag-aabang ng bus sa ilalim ng malalaking punong acacia sa kanto malapit sa amin. Suot ko ang aking t-shirt na kulay pula at maong shorts at rubber shoes, ako ay papunta sa San Lazaro noong araw na iyon. Damamg dama ko ang bawat ihip ng masarap na hangin habang pinagmamasdan ko ang pagdaan ng mga lumilikong sasakyan. Sa layo ng tintirhan ko, ang hangin sa amin ay mas malinis na kung ikukumpara sa ibang ciudad sa Metro Manila. Ang sarap ng pakiramdam, habang ang init ng araw ay hindi ko gaanong ramdam sapagkat ang mga dahon ng punong acacia ay siyang nagsilbing payong upang ang init nito ay hindi dumaplis sa tila moreno kong balat.

Ako ay namangha sa ganda ng sinag ng araw na lumulusot sa gitna ng mga sanga't dahon patungo sa mainit na concreto sa tanghaling tapat. Ang hangin naman ay siyang imiihip sa mga nalalaglag na dahon at mga dilaw na bulaklak na tila niyebeng bumabagsak galing sa langit.

Napadpad ang aking paningin sa batang nagtitinda ng buko juice sa gilid ng Commonwealth highway. Wari ko'y nasa siyete o otso pa lang ang kanyang edad. Napansin ko ang dalawang magagarang kotseng nakapark at nakapila sa puwesto ng maliit na bata. Tuwang-tuwa na tila natataranta ang batang paslit sa dami ng binibiling buko juice nung nasa itim na kotse. Habang ang kotseng pula nasa likod ng kotseng itim ay mainip na naghihintay na pagbentahan ng bata.

Naiintriga ako at naaliw sa aking nakita. Kaya ako ay tumayo pa at pinagmasdan ko ang bata habang siya ay nagbebenta ng buko juice. Masarap ngang uminom ng buko juice sa magandang tanghaling iyon. Ngunit ako ay hindi umalis o kumibo man lang sa aking kinatatayuan. Napagandang tingnan ang natatanaw kong iyon. Isang maliit na batang nagbebenta ng buko juice sa gilid ng daan na may dalawang kotseng nakapila at naghihintay na pagbentahan. Habang ang mga dahon at bulaklak ng malalaking puno ng acacia ay siya namang naging payong mula sa sinag ng tanghaling araw. Umiihip ang malinis at masarap na hangin.

Biglang nag flashback ang aking nakaraan. Dahil nung ako ay bata pa, ay hindi nalalayo ang sitwasyon ko sa kanya. Naranasan ko ring magtinda, hindi lang sa gilid ng daan, kung hindi sa iba't-ibang barangay sa ciudad ng Cebu. Mabuti pa nga siya at may puwestong pwedeng pagpahingaan habang naghihintay ng bibili. Samantalang ako ay naglalako at naglalakad ng malayo... Kaya nga ang lalaki ng mga hita at binti ko ngayon. Alam ko ang hirap ng maglako ng pandinda, at alam ko ang frustration kapag hindi naubos ang benta o kapag minsan, wala pang benta. Nakakaiyak, kasi kapag walang benta, wala na naman kaming uulamin sa gabi at sa darating na bukas. Dalawang klase ang pandinda ko noon. Naglalako ako ng puto sa umaga, at sari-saring daing at mga tuyong isda naman sa hapon. Ang mga puto, kapag may natira, kinakain namin, kaysa naman sa masira. Ang mga daing at tuyong isda, pwede pang ibenta kinabukasan. Mahirap maglako, mahirap maglakad, mahirap maging batang mahirap, lalo na't hindi mo alam kung anu nga ba ang bukas na naghihintay sa iyo, lalo na't hindi pa ako nag-aaral nung mga panahong iyon. Ganun kami kahirap, kahit sa pampublikong paaralan ay hindi ako nakapag-aral dahil imbis na mag-aral, ay magtitinda na lang ako para hindi kami mag-ulam ng asukal.

Nagbalik ang aking wisyo nung narinig ko ang busina ng isang paparating na bus. Pangit yung bus, kaya hindi ako sumakay. Pinagdasal ko ang batang iyon na sana balang araw, ay makamit niya ang mga pangarap niya, sana ay huwag siyang makuntento sa ganung buhay, at sana ay mangarap pa siya at mag-ambisyon. Balang araw, kapag nagsumikap lang siya kasama ang pananalig sa Diyos, makaka-ahon din siya sa hirap at hinding hindi na siya magmumukhang kawawang tindero ng buko juice.

Ako ay minsan naging katulad ng batang buko juice. Mahirap, gutom, nagtitinda, at tila walang katiyakan ang kinabukasan. Nangarap ako, nag-ambisyon, nagdasal, at nangako sa sarili na hinding-hindi na ako magugutom. Ngayon, nakamit ko na ang aking mga pangarap, hindi na ako natutulog ng gutom, at nakakain ng mga pagkaing minsan ay pinaglalawayan ko lang at pinapangarap lamang. Nakatira na ako ngayon sa isang condominyum na nabili ko para sa aking sarili na minsan ay pangarap lamang. Nakakabili na ako ngayon ng ilang mga damit at gamit na hindi na kailangan pang pag-ipunan ng matagal na panahon. Mabait ang Diyos, sabay ng ating pagsusumikap at paniniwala, kaya nating umahon sa anumang hirap na ating pinagdadaanan o pagdadaanan.

Marami pang tulad ng batang buko juice. Sa mga makakabasa nito, sana ay huwag niyong husgahan o laitin ang mga batang tulad niya, biktima lamang sila ng kahirapan, at huwag din sana nating isipin na masasma ang kanilang mga magulang, dahil minsan, wala rin naman silang magagawa pa sa sitwasyon nila kung hindi ang magtrabaho sa murang edad, tulad ng ginawa ko noong bata pa ako. Kung hindi sila magtatrabaho, wala silang kakainin. Ipagdasal natin ang mga batang tindero, ipagdasal natin ang kanilang kinabukasan at ang kanilang mga pangarap. Huwag natin silang kaawaan, bagkus tulungan natin silang mangarap at magkaroon ng pag-asa sa buhay.

Yun lang po.

10 comments:

  1. Malayo pala ang iyong narating. Naging tagumpay ka rin sa iyong laban. Hehehe!

    ReplyDelete
  2. Salamat sa pagsubaybayuMugen, ngunit hindi pa tapos ang laban... Marami pang darating. :-)

    ReplyDelete
  3. Totoo naman lahat ng sinabi mo. Galing nito. Ganda. Inspiring.

    ReplyDelete
  4. ang galing!!!

    ang vivid ng mga images... damang dama!

    ReplyDelete
  5. binabati kita. pagpalain ka nawa.

    ReplyDelete
  6. Hello Canonista. Pasensya na hindi ako makatext back. Naubusan ako ng load. Hehehe.

    As for your text, I understand how you feel. Maybe that's the thing I somehow enjoy dwelling still, that's why I'm your runaway planetship. Hehehe.

    BTW, may Franco na ako.

    ReplyDelete
  7. It was very inspiring. Thank you!

    ReplyDelete
  8. Maraming salamat. Nawa'y patuloy pa kayong sumubaybay.

    :-)

    ReplyDelete
  9. I'm digging your blog and this is one of the best so far. So inspiring...

    ReplyDelete