Monday, August 13, 2012

Sa Selda, ang bilanggo sa Ermita


Ito po ang kwento ko sa loob ng selda, kung paano ako hinuli at nakulong sa bilangguan, ilang taon nang nakakalipas. Hindi ko na maalala kung anung taon ito nangyari, pero ang karanasang ito ay hinding-hindi ko malilimutan.

Isang gabi, nag-usap kami ng kaibigan kong si PJ, nagyaya siyang pumunta ng Malate, tutal, matagal-tagal na raw kaming hindi nakakadalaw ulit sa lugar na iyon, baka naman daw may makilala kami o may mag-take home sa kanya. Sinundo ko si PJ sa apartment na inuupahan niya sa Cubao at kami ay kumain muna sa Gayway, este sa Gateway. Matapos ng aming hapunan ay sumakay na kami ng taxi patungong Malate. Baon ang masasayang pagmumuni-muni sa loob ng taxi at ang kaligayahan ng natitira naming pagkabata ay masaya kaming nagtungo sa Malate.

Dumating kami ng Malate ng medyo maaga, mga bandang alas-diyes yata ng gabi iyon at nagsisimula pa lang magsidatingan ang mga kabaklaan sa Oh Bar, sabi ko ay pumunta kami ng Bed na lang. Nung sumilip kami sa Bed, aba, halos walang tao, korny… Pero sabagay, maaga pa kasi. Kaya pumunta kami sa Oh Bar at nakipagsiksikan sa loob. Umorder kami ng beer at nakihalubilo sa mga lalakeng borta sa dance floor at sa tabi-tabi na tila mga call boy na nag-aabang ng mga customer. Naka dalawang bote na ako ng beer at si PJ ay isa pa lang, hindi pa niya naubos ang beer niya, kaya ako na ang umubos at hindi naman siya sanay uminom. Lumabas muna siya at ako naman ay naiwang nag-s-sightseeing sa loob ng Oh Bar. Sayaw-sayaw, lakad dito, lakad doon. Hanggang sa tumawag si PJ, at lumabas daw ako, may boylet daw siyang nakita at mukhang pogi. Naka-apat na bote na ako ng beer nang ako ay lumabas at hinahanap siya sa tapat ng Oh Bar.  Nakita ko si PJ na nasa tapat ng Oh Bar sa kabilang side ng kalye at may kumakausap sa kanyang bata na may dalang mga rosas at nilapitan ko naman siya sa may kanto ng Orosa at Nakpil. Nang biglang…

May lumapit sa aking pulis. Sabi sa akin “Ser, bawal po yan”. Ang bigla kong tanung… “Anu ho ang bawal kuya”? “Bawal magdala ng alak sa kalye, kaya sa presinto na po kayo magpaliwanag” sabi ng pulis. Tapos may biglang lumapis na Police Mobile, yung mga nakikita niyo na mukhang jeep na maliit na kulay puti, iyon ang biglang dumating at pinasakay ako ng biglaan. Si PJ ay wala nang nagawa, maski ako, sumunod na lang ako sa gustong mangyari ng mga pulis at sumakay sa jeep. May apat pang mga becks ang pinasakay nila at nang makaupo ay nagsimula nang umandar ang sasakyan ng pulis. Lahat ng sangkabadingan ng Malate ay nakatingin sa amin, jusko... Ang kahihiyan ko! Ang bilis ng tibok ng puso ko habang hawak ko pa ang bote ng beer na hindi ko na nagawang inumin pa. Bigla kong tinawagan si PJ at sabi ko sa kanya na tatawagan ko siya agad kung saan man kami dadalhin ng mga pulis. Nagpapanick na ako at halos mangiyak-ngiyak dahil naiisip ko na bubugbugin ako ng mga pulis na ito. Tumigil ang jeep sa isang kanto at hinuli ang lalakeng umiihi sa pader, pati siya ay pinasakay sa sasakyan. Maya-maya ay tinatahak na ng pulis jeepney ang kahabaan ng Taft hanggang sa lumiko kami pa-kanan sa U.N. avenue. Pinababa kami sa Ermita Police Station, na may nabanggang kotse sa harap nito at umuusok pa ang makina. Ako, yung apat na becks, yung lalaking umiihi sa pader ay pare-parehong pinababa at pinaderecho sa loob. Sabi sa amin ng mga pulis sa loob ng presinto, bawal daw ang may hawak ng bote ng beer na bukas sa labas ng kalye, sabi ko naman ay galing ako sa katapat na bar, sabi naman ng pulis, ay hindi na raw pag-ma-may-ari ng bar ang parte na iyon ng kalye. Sumagot naman ako na eh paano kung may street party? Bakit hindi niyo naman hinuhuli ang mga tao? Eh hirit naman ng isang pulis “may permit iyon, kaya hindi kami nanghuhuli, pero ngayon, ordinaryong araw lang, kaya dapat doon lang kayo sa mga may lamesa nag-iinom ng mga beer, hindi sa kalye mismo, kahit hindi ka umiinom, may dala ka pa ring bukas na bote ng beer”. Lumabag daw kami sa City Ordinance ng Maynila, sabi pa ng isang pulis. Kaya wala na kaming nagawa, at lahat kami ay pinapasok na sa selda.

Tinawagan ko na si PJ at sabi ko ay nasa Ermita Police Station ako at nasa loob na ng selda. Tinawagan ko ang daddy ko, sabi ko nakulong ako, pinaliwanag ko lahat sa daddy ko ang nangyari at sabi ko ay sunduin niya ako, aba, ang sabi ba naman ay “maaga pa, mamaya na at baka hindi ka rin naman makalabas diyan at weekend ngayon isa pa, ignorance is not an excuse”. Tinawagan ko si Aubrey, tumawag ako sa boss ko, tumawag ako sa tita ko, at kung sino-sinu pa… Hanggang sa nawala ang kaba ko nang dumating si PJ. Siya na rin ang kumausap sa mga pulis at pinakilala niya akong kapatid niya.

Sa loob ng selda, ay kung anu ang napapanood natin sa pelikula ay ganoon nga! Marumi, maiinit, masikip, at punong-puno ng mga nakakatakot na mga lalakeng mukhang tambay sa kanto, maraming tattoo, at mukhang mamatay tao…Sa ibang salita, mukha talaga silang kriminal at mga hindi pa naliligo. Nakaharap ako sa labas ng selda habang may kausap sa telepono si PJ, nasa gitna ako ng loob ng selda, at sa gawing kaliwa ko naman ay ang apat na becks na mga paminta, sa gawing kanan ko naman ay ang mga nakakulong na nagising at bigla ba namang humingi sa akin ng yosi. Ako naman si bigay ng yosi kasi baka bugbugin nila ako kung hindi ko sila bibigyan. Tinanung ako ng isang matandang nakakulong kung bakit daw ako andun at anung kaso ko, sabi ko “hinuli po ako kasi may dala po akong bote ng beer sa kalye”, bigla namang sabi ng lalakeng medyo bata pa na mukhang nasa biente anyos pa lang “madali lang ‘yan, magbabayad lang kayo ng piyansa sa City Hall, makakabalas ka na, kaso Sabado ng madaling araw-ngayon, sa Lunes ka pa makakalabas dahil walang City Hall mamaya, sarado”. Hanggang sa nagising na ang karamihan sa mga nakakulong at lahat sila humingi ng yosi, binigyan ko naman. Nakipagkuwentuhan naman sila sa akin, sabi nila, huwag daw akong matakot at makakalabas naman daw ako agad, wow, very comforting.

Bigla akong na-wiwi sa mga nangyayari, tinungo ko ang C.R. ngunit umurong ang ihi ko sa baho at dumi ng nito kaya hindi ko kinaya, nagyosi na lang ako ulit. Tiningnan ko yung apat na becks, tahimik lang silang apat at walang kinakausp na mga bilanggo, ako naman ay chumika na lang sa mga nakakulong doon, mukha naman pala silang mababait, take-note... Mukha lang! Eh mga kriminal ang mga iyon! Bigla tuloy sumagi sa isip ko ang mga jail-rape na nangyayari sa bilangguan na napapanood ko sa porn movies, at kung anu-ano pang pelikula, baka ma-rape ako dito! Sa kaka-imagine ko ng kung anu-ano ay umupo na ako sa marumi at malamig na sahig ng selda sa gawing kanan habang nasa labas pa rin si PJ at hindi magkanda-ugaga sa pakikipagusap sa cellphone niya, at tuloy-tuloy pa rin ako sa pagyoyosi para mawala ang kaba… Dahil ayokong abutin ng Lunes sa bilangguan! Isa pang inaalala ko ay ang kotseng nabangga sa harap ng pulis station at umuusok, baka biglang sumabog iyon at lamunin kami ng apoy habang nasa loob ng selda!

Ilang sandali pa ay tinawag ang pangalan ko, makakalaya na raw ako! Sa wakas, makakalaya na ako pagkalipas ng dalawang oras sa bilangguan!

Dali-daliang lumabas kami ni PJ palabas ng presinto. Nagbayad daw siya ng P1,500 at nag-iwan ng I.D. para sa kalayaan ko. Hay, maraming salamat, PJ!

Pumunta na kami ng Makati at kumain. Hindi ko na alam kung anu ang nangyari sa apat na becks na naiwan sa loob ng selda o sa lalakeng hinuli dahil umiihi sa pader. 

Ang leksyon ng pangyayaring ito... Huwag magdala ng bukas na bote ng beer sa kalye at sumunod sa batas. Simula ng araw na iyon ay naging napakamasunurin ko nang bata pagdating sa batas.

1 comment:

  1. Kamusta? nanibago at tagalog ang nabasa ko.. naku, lasenngo pa naman ako, sa pagkakaremember ko, b4 nagkaron nga nang city ordinance ang manila na bawal uminom sa daan, kaya nagingat kami noon, tagal na din ah.. takot ako sa kulungan, dati nung aktibista ako, buti noong may piket o rally kami, di ako sumama, ang nangyari, yng mga kasama ko nakulong, ako, nagyoyosi habang pinapanuod sila sa tv wahahaha.. ibayong ingat lang lagi... ;)

    ReplyDelete