Ito po ang kwento ko sa loob ng selda, kung paano ako hinuli at nakulong sa bilangguan, ilang taon nang nakakalipas. Hindi ko na
maalala kung anung taon ito nangyari, pero ang karanasang ito ay hinding-hindi ko
malilimutan.
Isang gabi, nag-usap kami ng kaibigan kong si PJ, nagyaya
siyang pumunta ng Malate, tutal, matagal-tagal na raw kaming hindi nakakadalaw
ulit sa lugar na iyon, baka naman daw may makilala kami o may mag-take home sa
kanya. Sinundo ko si PJ sa apartment na inuupahan niya sa Cubao at kami ay
kumain muna sa Gayway, este sa Gateway. Matapos ng aming hapunan ay sumakay na
kami ng taxi patungong Malate. Baon ang masasayang pagmumuni-muni sa loob ng
taxi at ang kaligayahan ng natitira naming pagkabata ay masaya kaming nagtungo
sa Malate.
Dumating kami ng Malate ng medyo maaga, mga bandang alas-diyes yata ng gabi iyon at nagsisimula pa lang magsidatingan ang mga kabaklaan sa Oh Bar, sabi ko ay pumunta kami ng Bed na
lang. Nung sumilip kami sa Bed, aba, halos walang tao, korny… Pero sabagay, maaga pa kasi. Kaya pumunta kami
sa Oh Bar at nakipagsiksikan sa loob. Umorder kami ng beer at nakihalubilo
sa mga lalakeng borta sa dance floor at sa tabi-tabi na tila mga call boy na
nag-aabang ng mga customer. Naka dalawang bote na ako ng beer at si PJ ay isa pa
lang, hindi pa niya naubos ang beer niya, kaya ako na ang umubos at hindi naman
siya sanay uminom. Lumabas muna siya at ako naman ay naiwang nag-s-sightseeing
sa loob ng Oh Bar. Sayaw-sayaw, lakad dito, lakad doon. Hanggang sa tumawag si
PJ, at lumabas daw ako, may boylet daw siyang nakita at mukhang pogi. Naka-apat
na bote na ako ng beer nang ako ay lumabas at hinahanap siya sa tapat ng Oh
Bar. Nakita ko si PJ na nasa tapat ng Oh
Bar sa kabilang side ng kalye at may kumakausap sa kanyang bata na may dalang
mga rosas at nilapitan ko naman siya sa may kanto ng Orosa at Nakpil. Nang
biglang…
May lumapit sa aking pulis. Sabi sa akin “Ser, bawal po
yan”. Ang bigla kong tanung… “Anu ho ang bawal kuya”? “Bawal magdala ng alak sa kalye, kaya sa presinto na po kayo
magpaliwanag” sabi ng pulis. Tapos may biglang lumapis na Police Mobile, yung
mga nakikita niyo na mukhang jeep na maliit na kulay puti, iyon ang biglang
dumating at pinasakay ako ng biglaan. Si PJ ay wala nang nagawa, maski ako,
sumunod na lang ako sa gustong mangyari ng mga pulis at sumakay sa jeep. May apat pang mga becks ang
pinasakay nila at nang makaupo ay nagsimula nang umandar ang sasakyan ng pulis. Lahat ng sangkabadingan ng Malate ay nakatingin sa amin, jusko... Ang kahihiyan ko! Ang bilis ng
tibok ng puso ko habang hawak ko pa ang bote ng beer na hindi ko na nagawang
inumin pa. Bigla kong tinawagan si PJ at sabi ko sa kanya na tatawagan ko siya
agad kung saan man kami dadalhin ng mga pulis. Nagpapanick na ako at halos
mangiyak-ngiyak dahil naiisip ko na bubugbugin ako ng mga pulis na ito. Tumigil
ang jeep sa isang kanto at hinuli ang lalakeng umiihi sa pader, pati siya ay
pinasakay sa sasakyan. Maya-maya ay tinatahak na ng pulis jeepney ang kahabaan
ng Taft hanggang sa lumiko kami pa-kanan sa U.N. avenue. Pinababa kami sa Ermita Police Station, na may nabanggang kotse sa harap nito at umuusok pa ang makina. Ako, yung apat na
becks, yung lalaking umiihi sa pader ay pare-parehong pinababa at pinaderecho
sa loob. Sabi sa amin ng mga pulis sa loob ng presinto, bawal daw ang may hawak
ng bote ng beer na bukas sa labas ng kalye, sabi ko naman ay galing ako sa
katapat na bar, sabi naman ng pulis, ay hindi na raw pag-ma-may-ari ng bar ang
parte na iyon ng kalye. Sumagot naman ako na eh paano kung may street party?
Bakit hindi niyo naman hinuhuli ang mga tao? Eh hirit naman ng isang pulis
“may permit iyon, kaya hindi kami nanghuhuli, pero ngayon, ordinaryong araw
lang, kaya dapat doon lang kayo sa mga may lamesa nag-iinom ng mga beer, hindi sa kalye mismo, kahit hindi ka umiinom, may dala ka pa ring bukas na bote ng beer”.
Lumabag daw kami sa City Ordinance ng Maynila, sabi pa ng isang pulis. Kaya wala
na kaming nagawa, at lahat kami ay pinapasok na sa selda.
Tinawagan ko na si PJ at sabi ko ay nasa Ermita Police Station ako at nasa loob na ng selda. Tinawagan ko ang daddy ko, sabi ko
nakulong ako, pinaliwanag ko lahat sa daddy ko ang nangyari at sabi ko ay sunduin niya ako,
aba, ang sabi ba naman ay “maaga pa, mamaya na at baka hindi ka rin naman
makalabas diyan at weekend ngayon isa pa, ignorance is not an excuse”.
Tinawagan ko si Aubrey, tumawag ako sa boss ko, tumawag ako sa tita ko, at kung
sino-sinu pa… Hanggang sa nawala ang kaba ko nang dumating si PJ. Siya na rin
ang kumausap sa mga pulis at pinakilala niya akong kapatid niya.
Sa loob ng selda, ay kung anu ang napapanood natin sa
pelikula ay ganoon nga! Marumi, maiinit, masikip, at punong-puno ng mga
nakakatakot na mga lalakeng mukhang tambay sa kanto, maraming tattoo, at
mukhang mamatay tao…Sa ibang salita, mukha talaga silang kriminal at mga hindi pa naliligo. Nakaharap
ako sa labas ng selda habang may kausap sa telepono si PJ, nasa gitna ako ng
loob ng selda, at sa gawing kaliwa ko naman ay ang apat na becks na mga
paminta, sa gawing kanan ko naman ay ang mga nakakulong na nagising at bigla ba
namang humingi sa akin ng yosi. Ako naman si bigay ng yosi kasi baka bugbugin
nila ako kung hindi ko sila bibigyan. Tinanung ako ng isang matandang
nakakulong kung bakit daw ako andun at anung kaso ko, sabi ko “hinuli po ako
kasi may dala po akong bote ng beer sa kalye”, bigla namang sabi ng lalakeng
medyo bata pa na mukhang nasa biente anyos pa lang “madali lang ‘yan,
magbabayad lang kayo ng piyansa sa City Hall, makakabalas ka na, kaso Sabado ng
madaling araw-ngayon, sa Lunes ka pa makakalabas dahil walang City Hall mamaya,
sarado”. Hanggang sa nagising na ang karamihan sa mga nakakulong at lahat sila
humingi ng yosi, binigyan ko naman. Nakipagkuwentuhan naman sila sa akin, sabi
nila, huwag daw akong matakot at makakalabas naman daw ako agad, wow, very comforting.
Bigla akong na-wiwi sa mga nangyayari, tinungo ko ang C.R. ngunit umurong ang ihi ko sa baho at dumi ng nito kaya hindi ko kinaya, nagyosi na
lang ako ulit. Tiningnan ko yung apat na becks, tahimik lang silang apat at walang
kinakausp na mga bilanggo, ako naman ay chumika na lang sa mga nakakulong doon,
mukha naman pala silang mababait, take-note... Mukha lang! Eh mga kriminal ang mga iyon! Bigla tuloy sumagi sa isip ko ang mga jail-rape na nangyayari sa bilangguan na napapanood ko sa porn movies, at kung anu-ano pang pelikula, baka ma-rape ako dito! Sa kaka-imagine ko ng kung anu-ano ay umupo na ako sa marumi at malamig na sahig ng
selda sa gawing kanan habang nasa labas pa rin si PJ at hindi magkanda-ugaga sa pakikipagusap
sa cellphone niya, at tuloy-tuloy pa rin ako sa pagyoyosi para mawala ang kaba…
Dahil ayokong abutin ng Lunes sa bilangguan! Isa pang inaalala ko ay ang
kotseng nabangga sa harap ng pulis station at umuusok, baka biglang sumabog
iyon at lamunin kami ng apoy habang nasa loob ng selda!
Ilang sandali pa ay tinawag ang pangalan ko, makakalaya na
raw ako! Sa wakas, makakalaya na ako pagkalipas ng dalawang oras sa bilangguan!
Dali-daliang lumabas kami ni PJ palabas ng presinto.
Nagbayad daw siya ng P1,500 at nag-iwan ng I.D. para sa kalayaan ko. Hay, maraming
salamat, PJ!
Pumunta na kami ng Makati at kumain. Hindi ko na alam kung anu ang nangyari sa apat na becks na naiwan sa loob ng selda o sa lalakeng hinuli dahil umiihi sa pader.
Ang leksyon ng pangyayaring ito... Huwag magdala ng bukas na bote ng beer sa kalye at sumunod sa batas. Simula ng araw na iyon ay naging napakamasunurin ko nang bata pagdating sa batas.