Sunday, November 13, 2011

Mga Lalake sa Buhay Ko (part III): Ang Litratista

Nagkakilala tayo nung umaga ng Mayo 2, 2009. Wala akong pasok ‘nun at maaga akong nagising. Naisipan kong mag-online at pumunta sa MIRC para lang tingnan kung may makakausap akong tao o kung may makikilala man akong bago. Nag-post ako ng kung sinu ang nagpopotograpiya, at ikaw ang nagpadala sa akin ng pribadong mensahe. Tuwang-tuwa ako sa iyo ‘nun dahil ang dami nating napagusapan tungkol sa bagay na iyon, bukod pa doon, mahilig ka rin sa JPOP, anime, mga laruan, at napakarami nating mga bagay na gusto at alam. Sa ibang salita, marami tayong common interests. Binigay mo ang litrato mo, at binigay ko rin ang akin. Ilang sandali lamang ay nagbigayan tayo ng mga phone numbers. Tumawag ka at tayo ay nagusap ng mga ilang minuto at napagusapan nating magkita sa gabi ng araw na iyon.

Trinoma, Coffee Bean & Tea Leaf, 9:30 PM, May 2, 2009. Nakajacket ka ng gabing iyon, medyo mahaba ang buhok mo at shaggy ang gupit. Isa kang chinito, mukha kang Koreano; maganda ang pangangatawan, bakat na bakat pa ang dibdib mo sa masikip mong t-shirt. May pagkasuplado ka pa nga e, kasi madalang kang ngumiti.  Naisip ko pa na hindi mo ako gusto, kasi ang suplado mo sa personal. Napagkasunduan nating manood ng sine pagkatapos nating mag-usap at magyosi ng ilang sandali. Wolverine ang pelikulang pinanood natin; doon tayo sa last full show nanood. Sa kalagitnaan ng pelikula, nung tinutusok na si Logan ng mga mahahabang bakal sa ulo ay medyo napapikit ako, at hinawakan mo bigla ang kanang kamay ko, hindi mo na iyon inalis hanggang matapos ang pelikula. Ilang oras pa sa gabing iyon, binuksan ko ang pinto ng aking unit at ikaw ay namangha sa kasimplehan nito, marahil gawa na rin ng dilaw na ilaw at ng pulang mga kurtina. Tiningnan mo ang mga libro ko, DVDs, audio CDs, at iba pang mga bagay sa condo ko. Kung anu-anu rin ang mga sinasabi mo na mga kulang na gamit sa para sa banda dun, sa sulok na iyon at kung anu-anu pa. Sabi ko manood tayo ng Slumdog Millionaire, na sumang-ayon ka naman. Nakahiga tayo sa bamboo carpet habang nanonood ng pelikulang iyon... Ako ay iyong biglang niyakap, naglapat ang ating mga labi, at pikit mata kong tinanggap ang mga halik mong kasing-init ng gabing iyon. 

Masaya akong akong gumising sa tabi mo, walang tayong saplot kung hindi ang manipis na kumot. Nauna akong gumising sa iyo at pinagmasdan kita habang ikaw ay natutulog pa. Hinimas ko ang iyong makikisig na braso at malaman na dibdib. Inamoy ang halimuyak ng kahapon at ang bango ng umagang iyon. Tinitingnan lamang kita nang minulat mo ang iyong mga mata at itinaas mo ang iyong kanang kamay, hinawi mo ang buhok ko at hinawakan ang aking ulo patungo sa mukha mo. Tayo ay naghalikan na tila dalawang magkasintahang uhaw sa pag-iibig na kay tagal na hindi natikman.

Pagkaraan ng isang linggo ay ako naman ang pumunta sa bahay mo. Nakatira ka malapit sa kanto ng Vito Cruz at Taft, sa condo mo ay rinig ang pagdaan ng LRT, at kitang-kita ang mataong highway ng Taft. Namangha ako sa dami ng mga laruang naka display sa isang sulok at mga manga na naka-ayos sa isang cabinet. Sa iyong sala ay ang iyong workstation na may isang Mac computer at kung anu-anu pa. Gustong-gusto ko ang malaking mong sofa na kulay pula. Hindi nagtagal ay naging regular na gawain ko na ang pumunta sa condo mo. Sa tuwing pupunta ako ay nagmamadali akong lumalabas ng opisina sa umaga at bumibili ng pasalubong na almusal natin, dahil alam kong hindi ka pa kumakain sa tuwing ako ay darating. Minsan ay naabutan kitang tulog sa iyong sofa at nakabukas ang TV mo na nakatutok sa Cartoon Network o kaya Nickolodeon. May mga araw naman na ipinagluluto kita o minsan ay nagpapadeliver na lamang tayo ng pagkain.

Punong puno ng alaala ang condo mong iyon, na kung saan ilang halik ang aking natikman, at ilang gabi at umagang nagkalampagan tayo sa sofa-bed mong kulay pula, kulay ng mapusok nating mga umaga, hapon, at gabi. Kailangan ko pang magbaon ng Alaxan ‘nun kasi hindi ako makatulog sa sakit ng aking katawan pagkatapos ng mahabang paglalaro natin. Naalala ko pa nga, habang ikaw ay mahimbing na natutulog ako naman ay pilit na nanahimik sa sakit.


Niyaya mo akong pumunta ng Puerto Galera dahil gusto mong magbakasyon kahit isang araw lang. Nag file ako ng bakasyon sa trabaho para sumama sa iyo. Unang beses kong makakapunta dun, kaya excited ako, sobra. Nangupahan tayo ng isang de-aircon na kuwarto na mukhang bahay kubo kasi alam mong gusto ko ng mga native na bahay. Hindi naman tayo naglagi sa beach, dahil nagikot-ikot tayo sa malalapit na bundok, ilog, at mga waterfalls ng Mindoro. Pagbalik natin sa kuwarto ay gabi na at pareho tayong pagod, kumain lang tayo at buong gabi tayong nanatili lamang sa ating kuwarto. Nung gabing iyon, pakiramdam ko ay atin lamang ang gabing iyon. Malayo sa ciudad, malayo sa Maynila, malayo sa kanilang lahat, at akin ka lamang, at ako'y iyong-iyo ng buong-buo.

Sa tuwing magkasama tayo ay okay naman ang lahat, kahit na dumadaan ang isang linggo na parati tayong nag-aaway sa text o sa telepono. Tila walang nangyaring isyu ng mga nagdaang araw, basta kapag tayo ay magkapiling na, lahat ay tahimik, lahat ay naayus din. Tuloy pa din ang buhay nating dalawa, tuloy pa rin sa mga bagay bagay sa ating buhay.

Sumapit ang tag-ulan.  

Madali kang magkasakit, lalo na kapag nababasa ka ng ulan. Madalas ay hati pa tayo sa iisang payong kapag kailangan nating lumabas o kung pupunta ng Harrison Plaza para mag-grocery. Naalala mo pa ba ang isang tipo ng chicharon na paborito natin na parang parte ng tiyan ng manok pero hindi naman siya bituka? Na-adik tayo doon, hindi tayo umaalis ng Harrison kapag hindi nakakabili 'nun; nakalimutan ko nga kung anu ang tawag dun e. Madalas ay naabutan tayo ng ulan sa labas, at kung maabutan man tayo, ibibigay ko na sa iyo ang nag-iisang payong natin, dahil ayokong nababasa ka dahil panigurado ay magkasakit ka. Ayaw na ayaw mo pa namang nagkakasakit ka, kahit naman ako, at kahit sinu pa... Hindi ka kasi nakakapag gym, at nakakansel ang mga lakad mo. Hindi na bale na ako ang mabasa, huwag ka lang madampian ng malamig na tubig ulan. Kung nagkakasya naman tayo sa payong, ay gustong gusto kong dahan-dahang naglalakad kasama ka, dahil sa isang tulad mo, sobrang bihirang makatabi kita sa ilalim ng payong habang umuulan at naglalakad sa labas. Gustong gusto kong nararamdaman ang pagdampi ng braso mo sa balikat ko, na tila isang tuwalyang mainit na nagaalis ng lamig ng ulan. Palagi kitang sinasabihan ng magdala palagi ng jacket at payong sa tuwing uuwi ka sa inyo o kung may lakad ka man. Nung mga panahong iyon, init ng katawan mo ang aking karamay sa mga gabing malamig.  Para kang isang kumot at unan na aking kayakap sa tuwing ako ay giniginaw. 

Isang araw ay naghahanda ka para pumunta ng ibang bansa para magbakasyon, tinulungan pa kitang mag impake ‘nun. Nung isang araw na lang bago ang iyong flight, niyaya mo akong mag-almusal sa Mcdonald’s-Quirino. Sabi mo noon, gusto mo akong makita bago ka umalis, nagbilin ka pa sa akin na aalagan ko sarili ko at huwag labas ng labas, kung lalabas man ako ay dapat kasama ko si PJ at ang iba pa naming kaibigan. Tinanung kita kung babalik pa ba ang taong kausap ko ngayon o ibang tao na ba ang aasahan ko, sabi mo ay babalik ka ng buong-buo. Humiling lamang ako ng isang bagay pagbalik mo… Na sana masagot na ang mga tanung na matagal nang naghihintay ng sagot. Tatlong buwan na tayong nagkikita ‘nun, pero hindi mo masabi kung nasaan na ba ako sa buhay mo. Hindi ako makagalaw, hindi ko alam kung anu ba ako sa iyo? Nangako kang bibigyang kasagutan ang lahat ng iyon sa iyong pagbabalik. Nagkasundo tayong magkita sa isang takdang araw sa isang takdang lugar, at kapag hindi sumipot ang isa sa ating dalawa ay tapos na ang lahat sa atin. Mahirap din kasing maghintay at gumalaw sa isang mundong hindi ko alam kung saan ako pupunta. Nung mga panahong iyon, hindi ko na halos matiis ang sakit ng pag-iisip at paghihintay ng sagot.

Namatay ang lola mo habang ikaw ay nasa Vietnam, nagmamadali kang umuwi ng Pilipinas.

Dumating ang araw na tayo ay dapat na magkikita, hindi ka dumating, at doon ay tinapos ko na ang lahat sa atin. Kalagitnaan ng tag-ulan noon, kung gaano kalakas ang buhos ng malamig na ulan, ay siya ring buhos ng mainit kong mga luha.

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa lumipas din ang tag-ulan, dumating ang tag-lamig, wala akong narinig sa iyo at wala ka ring narinig sa akin. Ako na ang unang nagparamdam, dahil hindi kita matiis, kailangan ko ng paglilinaw, at kailangan kitang makita, dahil ako ay sadyang nangungulila sa iyo. Tiniis kita ng sobrang tagal, nanaig ang pangungulila, at tayo ay nagkita muli. Pumunta ako sa condo mo, at sa pagbukas mo pa lang ng pinto ay bigla kitang sinunggab ng isang mainit na yakap na kay higpit. Nangyari ang tulad ng dati, at ako ay gumising sa tabi mo na walang suot kung hindi ang malambot mong kumot at ang makisig mong braso na siyang aking unan. Idinikit ko ang mukha ko sa dibdib mo... Damang-dama ko ang iyong bawat paghinga, ramdam ko ang bawat tibok ng puso mo na siya namang aking gustong buksan para sagutin ang aking mga katanungan. Ako ba ay nasa loob niyan? Ito ba ay panandalian lamang, tulad nitong pagsisiping nating ito? Nung araw na rin iyon, tinanung kita kung minahal mo ba ako? Hindi ka sumagot. Hindi na tayo nagkita ng mahabang panahon pagkatapos ‘nun.

Lumipas ang halos isang taon… Sinamahan mo ako sa sa San Lazaro para kunin ang dokyumento ng aking resulta ng aking confirmatory test sa HIV. Niyakap mo ako ng mahigpit nung alam mong ako ay iiyak na, matapos kong malaman ang resulta. Alam mo na nung sandaling iyon na nagbago na ang buhay ko. Umupo tayo sa isang tabi at pinasandal mo ako sa balikat mo, umiyak na ako nung dumampi na ang ulo ko sa balikat mo, at niyakap mo ako ng mahigpit. Tila tumahimik ang paligid, hindi ko halos marinig ang ingay ng mga dumadaang sasakyan at ang mga paguusap ng mga taong dumadaan kahit ang pagsigaw ng mga tindera sa kalye, tumahimik ang mundo; wala akong naririnig kung hindi ang sarili kong pag-iyak, wala rin akong halos maramdaman kung hindi ang haplos ng mga kamay mo. Nanghina ako nung mga sandaling iyon, ikaw lamang ang taong kailangan ko, ikaw lamang ang taong gusto kong makasama nung mga panahong iyon; sa gitna ng aking kalungkutan.

Ilang araw ang nagdaan at nagpatest ka rin para malaman kung nahawaan kita, mabuti na lang at negatibo ang resulta.

Nung mga panahong iyon ay madalas tayong magkita dahil sinasamahan mo ako sa ospital. Nagtakda pa tayo ng isang araw at ng lugar na tayo ay magkikita para lang makapiling kita tulad ng dati. Makita lamang kita, ayus na sana, kailangan ko lang ng kasama, kailangan kita, ikaw lang at wala nang iba. Gusto kitang makita, gusto kitang makapiling, gusto kitang yakapin. Kahit makasama ka lang ay sapat na sana, ngunit hindi na naman natuloy. Sa kung anung dahilan, hindi tayo nagkita. Sumakay ako ng tren, sa gitna ng biyahe ng MRT papuntang Norte, na hindi ko alam kung saan ako bababa, ay iniyak ko lahat. Iniyak ko ang pangungulila ko sa iyo, iniyak ko lahat ng alaala mo, iniyak ko lahat ng bagay na tungkol sa iyo, na sana hindi na kita nakilala. Sana hindi na ako nangarap kasama ka, at sana hindi na lang ako nagplano ng mga bagay-bagay na kasama ka. Sana hindi na lang ako nagchat nung umagang iyon, at sana hindi kita nakausap. Sana hindi na lang tayo nagkita nung gabing iyon, para sana hindi na lang kita inibig. Sana ay hindi na lang ako umasa. Sana isang araw ay mapatawad mo ako, at sana mapatawad ko rin ang sarili ko. Hindi na natin maibabalik ang kahapon, ikaw ay isang alaala na lamang ng isang kabanatang kay sarap at kay lungkot. Anu man ang naging resulta ng ating pagkakakilala, masakit at mahirap man, sana may magandang kinalabasan.

Hindi na tayo muling nagkita o nagkausap pa, hanggang sa araw na ito.

Nagkakilala tayo nung umaga ng Mayo 2, 2009; isang umagang nagbago sa buhay ko. Sa taong nagpatibok ng puso ko at nagpabago ng takbo ng aking isip, maligayang kaarawan sa iyo.

Tuloy ang buhay.
















13 comments:

  1. :')

    Hindi man naging malinaw 'yung lahat sa inyo, sabi mo nga, binago naman niya buhay at takbo ng isip mo.

    Good night!

    ReplyDelete
  2. nalungkot ako, me mga bagay kasi na nakarelate ako. that's life... nice post, happy birthday kay litratista.. :)

    ReplyDelete
  3. naiiyak ako huhuhuhu... naluha talaga ako... huhu :'(

    -------------------------

    pero ang nakaktuwa don dahil sa kanya nabago ang takbo ng buhay mo.... parang yun nga di mo makakalimutan.... rollercoaster kumbaga... nalungkot naman ako at temporary lang... pero i think nagmark sa buhay mo... :) nice entry :)

    ReplyDelete
  4. nakaka-sad naman may kasama pang background music. naalala ko ang mga times na may kasama din ako.. at ngayong wala na sila, ano na nga ba ang nangyari? on second thought, hindi mo rin pwedeng igapos sa'yo ang isang tao. people change. they come and go. i hope sana magkita din kayo ulit. or magkausap man lang.

    ReplyDelete
  5. Is this true? Oh :'( grave much..

    ReplyDelete
  6. People come into our lives for reasons sometimes we even couldn't explain.

    Yet the more they go distant, the clearer their purposes are.

    ReplyDelete
  7. Kaya pala kailangan mo yakapin ang lungkot habang sinusulat mo ito. :(

    ReplyDelete
  8. I wanna know you personally. I want to learn something from you. 09166921788

    ReplyDelete
  9. am crying while reading ur post. I can relate.

    ReplyDelete
  10. Just carried away again with your post. I really like reading posts like these sa'yo. Since I stumbled here in your blog for a long time (last year), I keep coming back as a anonymous reader. :)

    Goodluck and always take of yourself and your heart.

    ReplyDelete
  11. kinilig ako at nalungkot sa huli.... halos lahat ng bagay sa mga naranasan mo ay naranasan ko din...

    ang pinagkaiba lang natin ay... ang taong minahal ko kaylan man ay hindi ko na makikita... tanging sa kabilang buhay nalang kung kami ay mabibigyan pa ng pagkakataon... ang buhay nga naman...

    ReplyDelete
  12. Napaiyak mo ako. Kung may magmamahal sa akin katulad mo, tatanggapin kita kung ano mang meron ka, sasamahan kita, lalaban ako kasama mo, hanggang sa huling hininga mo. Sa may-ari ng blog na to, sana'y maging masaya ka sa araw-araw.

    ReplyDelete