Showing posts with label kaibigan. Show all posts
Showing posts with label kaibigan. Show all posts

Saturday, November 5, 2011

Mga Lalake sa Buhay Ko (part II): Kiddielet


Wala akong maisip sabihin o maisulat
Mga mata  ay pula na at kita ang ugat
Kanina ko pa tinitingnan ang mga larawan,
nating dalawa galing sa baul ng nakaraan.

Naiinis ako, ang dami kong gustong sabihin,
sa’yo at sa buong mundong nakakabasa nito.
Pero halos wala akong maisulat, hay nako!

Inaantok na ako, at kahit lumang litrato,
‘di ako makapili o makapag-edit man lang.
‘la tuloy akong mairegalo o alay man lang.

Tatapusin ko na itong sinusulat kong ito.
Antok na antok na kasi ako, dudugtungan ko:

Para kang asukal
Sintamis mong magmahal
Para kang Pintura
Buhay ko ikaw ang nagpinta
Para kang unan
Pinapainit mo ang aking tiyan
Para kang kumot
Na yumayakap sa tuwing ako'y nalulungkot

Kaya't wag magtataka
Kung bakit ayaw kitang mawala

Kung hindi man tayo hanggang dulo
Wag mong kalimutan
nandito lang ako
laging umaalalay
hindi ako lalayo
Dahil ang taning panalangin ko ay ikaw

Hindi nga tayo naging tayo, ngunit ganun pa man
‘Di pa rin kita maiwan-iwan, siguro dahil…

Mahal kita.






Thursday, November 3, 2011

Mga Lalake sa Buhay Ko: PJ


Nakilala ko siya nung ako ay 17 na taong gulang pa lamang (28 na ako ngayon) at siya naman ay 16. Uso pa ang chat sa MIRC ‘nun. Adik ako sa kakachat doon. May kamahalan pa ang internet noon kaya sinusulit ko ang bawat oras at minuto na naka-online ako at nagchachat. Naalala ko pa noon, ang MIRC ay kung saan nagchachat talaga ang mga tao, nag-uusap talaga sa “main room” at may “interactions” na nangyayari,  ‘di tulad sa panahon ngayon na kung saan ang mga chatters sa MIRC ay walang ginawa kung hindi mag-post ng mag-post ng mga gusto at kasalukuyang kailangan nila na tila ba isa malaking real-time na Buy and Sell na lugar ang chat, parang sosyal na palengke ng mga naghuhumindig na mga kalamnan at kung anu-anu pa.

Ang tagal na rin pala naming magkakilala ni PJ. Nabigyan kami ng pagkakataong magkita ng personal nung ang #Salsalan ay bago-bago pa lamang. #Bi-Manila ang sikat na sikat na chatroom noon sa mga lalaking naghahanap ng kapwa lalake. Nakilala ko ang isa sa mga Operator ng #Salsalan at niyaya akong sumama sa kanilang EB sa may UST, na naging sa loob pala ng UST.  Sumama ako, medyo malayo-layo ang biniyahe ko ‘nun, kasi taga Rizal pa ako nung mga panahong ‘yun. Marami akong nakilala, ngunit si PJ ang naiiba. Naka-blusang itim kasi at may cutix na itim ang mga kuko sa daliri, fit na pantalon na halatang pambabae at sapatos na parang pambabae. Sa isang grupong punong-puno ng mga baklang discreet daw, si PJ ang baklang-bakla.

Parang alang kumakausap sa kanya nung gabing ‘yun, bukod sa pagirl kasi siya, mukhang mataray din kasi. Nilapitan ko siya at kami’y nagkakilala. Mula ng gabing iyon, kami na palagi ang naguusap at magkasama, kasali na rin ang Operator ng #Salsalan na dahil sa ka-close namin ay binigyan kami ng Operator Acess sa channel na ‘yun na mahirap makuha, na hindi naman namin ginamit, aanhin ba kasi namin ‘yun?

Madalas kaming lumabas noon, si kuya Operator ang aming taga-gastos, pulubi pa kasi ako ‘nun, si PJ naman ay sapat lang sa pambaon niya sa kolehiyo ang pera. Kung saan-saan din kami napadpad, tatlong baklang magkakaibigan na iba-iba ang lebel ng pagka-bakla; mula sa lalaking-lalake na hindi daw siya chumuchupa at exclusive top daw siya, isang medyo halatang bakla na payatot, at isang pa-girl. Masaya kaming tatlo ng mga panahong iyon, mga bata pa kasi at mga wala pa masyadong iniisip sa buhay. Nag-ma-Malate na kami ‘nun sa murang edad, napadpad pa nga kami sa may Quiapo dahil may isang lugar doon na tambayan ng mga bakla, mala-beerhouse ang dating, Cocoon yata ang pangalan na naging Butterfly pagkalipas ng ilang buwan. Sinali pa nila ako sa isang contest sa Jeff’s CafĂ© sa may Philippine Women's University nanalo naman ako ng 3rd place sa limang contestants. Wala naman akong ginawa kung hindi maghubad at magpacute. Hindi pa uso ang cellphone ‘nun kaya sa landline kami nagtetelebabad. 3-way pa nga eh, may techniques din kaming alam para malaman kung call-waiting kami o hindi. Inaabot kaming tatlo ng umaga sa kakatelebabad at sa kakapakilala sa kung sinu-sinung lalakeng chatter sa telepono. Nagtatago pa ako sa ilalim ng hagdanan para hindi ako marinig sa taas at mapagalitan ng aking mommy ko. Naging saksi din ako sa mga naging lalake ni PJ, at nasaksihan din niya kung sinu-sino ang mga nakahumalingan kong lalake. May mga pagkakaton pa nga na naka-date pala niya ang ilan sa mga ni-date ko o mga nanligaw sa akin. Hanggang sa nakilala ko si Angel.

Ayaw ni PJ kay Angel (hanggang ngayon), dahil sa tingin niya ay hindi naging makatarungan si Angel sa pagpipigil ng mga bagay na gusto kong gawin. Sa opinyon niya ay nawalan daw ako ng kabataan. Lumipas ang ilang taon, magkaibigan pa rin kami ni PJ. Hanggang sa naghiwalay kami ni Angel pagkaraan ng anim na taon. Hanggang sa may ilang lalake pa akong nakilala na nagpatibok ng puso ko, kinalokohan ko, iniyakan ko, kinabaliwan ko, at kung ano-anu pa. Naging saksi si PJ sa mga mahahalagang pangyayari sa buhay ko.

Naalala ko pa ang gabi na sinabi ko sa kanyang may HIV na ako. Hinding-hindi ko makakalimutan kong paano siya umiyak at sinabing “akala ko ako ang mauuna sa ating tatlo, ikaw pa rin pala, because you are the best slut in town”.  Mas umiyak pa siya kaysa sa akin nung nalaman ang kundisyun ko. Natulog ako sa bahay niya nung gabing iyon. Gumising ako na gising pa siya at nagreresearch tungkol sa kundisyon ko, ang mga batas, ang mga dapat gawin, at kung paano niya ako matutulungan. Makaraan ng ilang linggo, may mga ilang bote na ako ng mga supplements na binili niya pa sa Amerika para sa akin. Para bumagal daw ang pagbaba ng immune system ko. Ngunit ayun sa mga tests ng CD4 ko, mabilis pa rin ang pagbagsak ng katawan ko.

Malapit na ang kaarawan ni PJ. Sa parehong buwan kami pinanganak, at simula nang maging magka-opisina kami  ay sabay na kaming naghahanda sa opisina para sa kaarawan naming dalawa.

Mahigit isang dekada na rin tayong magkaibigan, PJ. Maraming salamat sa lahat ng pag-gabay mo sa akin at sa mga naitulong mo. Ngayong gabi habang sinusulat ko itong sulat na ito sa loob ng iyong bahay, sa iyong sofa,  ay inaalala ko ang mga malulungkot at masasaya nating mga araw, mula nung tayo ay mga neneng-baklita pa hanggang sa ngayong medyo thunders na.  Naalala mo ba noong sinusundo pa kita sa kolehiyo mo at nakikiseat-in ka pa sa klase ko at ikaw ang sumasagot para sa akin at ginagawan mo pa ako ng mga bagong projects sa Database Management kong subject? Kaya ako napeperfect sa subject na iyon? Salamat ng marami! Salamat sa pagkakaibigang singtibay ng baklang inapi ng panahon. Hindi man tayo inaping mga becks, mas matibay pa tayo sa api, mas matibay at malakas pa ang pagkakaibigan natin kaysa sa mga hagupit ng mga bagyo. Pasenysa ka na pala sa mga panahong nabalewala kita dahil sa mga kinalokohan kong lalake noon. Napatunayan ko na naman sa sarili ko ngayon, na ang mga lalake, dumarating at umaalis, nawawala, pero ang tunay na kaibigan, andyan pa rin, anu man ang mangyari, at hamak na mas importante.

Salamat sa maraming taong pinagdaanan natin at sa marami pang darating pa. Andito lang ako, ang kaibigan mo. Alay ko sa iyo itong sulat na ito, isang pasasalamat sa pagkakabigang totoo. Pangako ko sa iyo, ako ay narito lamang kapag kailangan mo. Sandalan mo ako kapag gusto mo, at hawak kamay nating lalakbayin ang mundong ito, hanggang sa iyong huling hininga, andun ako, sa tabi mo. 




Si PJ ay isang paminta na ngayon, guwapo, matangkad, maputi, medyo mabuhok, chinito, may sariling gym sa bahay, at hindi na nagsusuot ng blusang itim.