Binuksan ko ang sarili ko sa taong nagmamahal sa akin ng lubusan. Pilit na ipinasilip ang nasa loob ko, halos wala siyang nakita, dahil halos wala naman talagang natira sa gulagulanit kong pagkatao na sinira ng nagdaang bagyo noong tag-ulan nung nakaraang taon. Humgingi ako ng tawad, dahil hindi ko pa kayang suklian ang kanyang pagmamahal na walang humpay na binibigay sa akin.
Umaagos pa ang dugo sa mga sugat ng aking pagkatao, sanhi ng mga bubog ng aking nabasag na puso.
Humingi ako ng tawad sa mga pagkukulang ko at hinubad ko ang singsing... Kinuha niya ito at muling isinuot sa aking nanginginig na daliri. Hinawakan niya ng mahigpit ang aking kaliwang kamay at pilit niyang ibinaling ang aking tingin sa kanyang mga mata, at kanyang sinabi... "Hindi kita iiwanan, sa panahong ikaw ay sugatan ako ang iyong makakasama. Hindi kita hahayaan sa kalagayan mong 'yan, dahil ayokong mabaon sa lungkot ang taong mahal na mahal ko".