Sunday, November 13, 2011

Mga Lalake sa Buhay Ko (part III): Ang Litratista

Nagkakilala tayo nung umaga ng Mayo 2, 2009. Wala akong pasok ‘nun at maaga akong nagising. Naisipan kong mag-online at pumunta sa MIRC para lang tingnan kung may makakausap akong tao o kung may makikilala man akong bago. Nag-post ako ng kung sinu ang nagpopotograpiya, at ikaw ang nagpadala sa akin ng pribadong mensahe. Tuwang-tuwa ako sa iyo ‘nun dahil ang dami nating napagusapan tungkol sa bagay na iyon, bukod pa doon, mahilig ka rin sa JPOP, anime, mga laruan, at napakarami nating mga bagay na gusto at alam. Sa ibang salita, marami tayong common interests. Binigay mo ang litrato mo, at binigay ko rin ang akin. Ilang sandali lamang ay nagbigayan tayo ng mga phone numbers. Tumawag ka at tayo ay nagusap ng mga ilang minuto at napagusapan nating magkita sa gabi ng araw na iyon.

Trinoma, Coffee Bean & Tea Leaf, 9:30 PM, May 2, 2009. Nakajacket ka ng gabing iyon, medyo mahaba ang buhok mo at shaggy ang gupit. Isa kang chinito, mukha kang Koreano; maganda ang pangangatawan, bakat na bakat pa ang dibdib mo sa masikip mong t-shirt. May pagkasuplado ka pa nga e, kasi madalang kang ngumiti.  Naisip ko pa na hindi mo ako gusto, kasi ang suplado mo sa personal. Napagkasunduan nating manood ng sine pagkatapos nating mag-usap at magyosi ng ilang sandali. Wolverine ang pelikulang pinanood natin; doon tayo sa last full show nanood. Sa kalagitnaan ng pelikula, nung tinutusok na si Logan ng mga mahahabang bakal sa ulo ay medyo napapikit ako, at hinawakan mo bigla ang kanang kamay ko, hindi mo na iyon inalis hanggang matapos ang pelikula. Ilang oras pa sa gabing iyon, binuksan ko ang pinto ng aking unit at ikaw ay namangha sa kasimplehan nito, marahil gawa na rin ng dilaw na ilaw at ng pulang mga kurtina. Tiningnan mo ang mga libro ko, DVDs, audio CDs, at iba pang mga bagay sa condo ko. Kung anu-anu rin ang mga sinasabi mo na mga kulang na gamit sa para sa banda dun, sa sulok na iyon at kung anu-anu pa. Sabi ko manood tayo ng Slumdog Millionaire, na sumang-ayon ka naman. Nakahiga tayo sa bamboo carpet habang nanonood ng pelikulang iyon... Ako ay iyong biglang niyakap, naglapat ang ating mga labi, at pikit mata kong tinanggap ang mga halik mong kasing-init ng gabing iyon. 

Masaya akong akong gumising sa tabi mo, walang tayong saplot kung hindi ang manipis na kumot. Nauna akong gumising sa iyo at pinagmasdan kita habang ikaw ay natutulog pa. Hinimas ko ang iyong makikisig na braso at malaman na dibdib. Inamoy ang halimuyak ng kahapon at ang bango ng umagang iyon. Tinitingnan lamang kita nang minulat mo ang iyong mga mata at itinaas mo ang iyong kanang kamay, hinawi mo ang buhok ko at hinawakan ang aking ulo patungo sa mukha mo. Tayo ay naghalikan na tila dalawang magkasintahang uhaw sa pag-iibig na kay tagal na hindi natikman.

Pagkaraan ng isang linggo ay ako naman ang pumunta sa bahay mo. Nakatira ka malapit sa kanto ng Vito Cruz at Taft, sa condo mo ay rinig ang pagdaan ng LRT, at kitang-kita ang mataong highway ng Taft. Namangha ako sa dami ng mga laruang naka display sa isang sulok at mga manga na naka-ayos sa isang cabinet. Sa iyong sala ay ang iyong workstation na may isang Mac computer at kung anu-anu pa. Gustong-gusto ko ang malaking mong sofa na kulay pula. Hindi nagtagal ay naging regular na gawain ko na ang pumunta sa condo mo. Sa tuwing pupunta ako ay nagmamadali akong lumalabas ng opisina sa umaga at bumibili ng pasalubong na almusal natin, dahil alam kong hindi ka pa kumakain sa tuwing ako ay darating. Minsan ay naabutan kitang tulog sa iyong sofa at nakabukas ang TV mo na nakatutok sa Cartoon Network o kaya Nickolodeon. May mga araw naman na ipinagluluto kita o minsan ay nagpapadeliver na lamang tayo ng pagkain.

Punong puno ng alaala ang condo mong iyon, na kung saan ilang halik ang aking natikman, at ilang gabi at umagang nagkalampagan tayo sa sofa-bed mong kulay pula, kulay ng mapusok nating mga umaga, hapon, at gabi. Kailangan ko pang magbaon ng Alaxan ‘nun kasi hindi ako makatulog sa sakit ng aking katawan pagkatapos ng mahabang paglalaro natin. Naalala ko pa nga, habang ikaw ay mahimbing na natutulog ako naman ay pilit na nanahimik sa sakit.


Niyaya mo akong pumunta ng Puerto Galera dahil gusto mong magbakasyon kahit isang araw lang. Nag file ako ng bakasyon sa trabaho para sumama sa iyo. Unang beses kong makakapunta dun, kaya excited ako, sobra. Nangupahan tayo ng isang de-aircon na kuwarto na mukhang bahay kubo kasi alam mong gusto ko ng mga native na bahay. Hindi naman tayo naglagi sa beach, dahil nagikot-ikot tayo sa malalapit na bundok, ilog, at mga waterfalls ng Mindoro. Pagbalik natin sa kuwarto ay gabi na at pareho tayong pagod, kumain lang tayo at buong gabi tayong nanatili lamang sa ating kuwarto. Nung gabing iyon, pakiramdam ko ay atin lamang ang gabing iyon. Malayo sa ciudad, malayo sa Maynila, malayo sa kanilang lahat, at akin ka lamang, at ako'y iyong-iyo ng buong-buo.

Sa tuwing magkasama tayo ay okay naman ang lahat, kahit na dumadaan ang isang linggo na parati tayong nag-aaway sa text o sa telepono. Tila walang nangyaring isyu ng mga nagdaang araw, basta kapag tayo ay magkapiling na, lahat ay tahimik, lahat ay naayus din. Tuloy pa din ang buhay nating dalawa, tuloy pa rin sa mga bagay bagay sa ating buhay.

Sumapit ang tag-ulan.  

Madali kang magkasakit, lalo na kapag nababasa ka ng ulan. Madalas ay hati pa tayo sa iisang payong kapag kailangan nating lumabas o kung pupunta ng Harrison Plaza para mag-grocery. Naalala mo pa ba ang isang tipo ng chicharon na paborito natin na parang parte ng tiyan ng manok pero hindi naman siya bituka? Na-adik tayo doon, hindi tayo umaalis ng Harrison kapag hindi nakakabili 'nun; nakalimutan ko nga kung anu ang tawag dun e. Madalas ay naabutan tayo ng ulan sa labas, at kung maabutan man tayo, ibibigay ko na sa iyo ang nag-iisang payong natin, dahil ayokong nababasa ka dahil panigurado ay magkasakit ka. Ayaw na ayaw mo pa namang nagkakasakit ka, kahit naman ako, at kahit sinu pa... Hindi ka kasi nakakapag gym, at nakakansel ang mga lakad mo. Hindi na bale na ako ang mabasa, huwag ka lang madampian ng malamig na tubig ulan. Kung nagkakasya naman tayo sa payong, ay gustong gusto kong dahan-dahang naglalakad kasama ka, dahil sa isang tulad mo, sobrang bihirang makatabi kita sa ilalim ng payong habang umuulan at naglalakad sa labas. Gustong gusto kong nararamdaman ang pagdampi ng braso mo sa balikat ko, na tila isang tuwalyang mainit na nagaalis ng lamig ng ulan. Palagi kitang sinasabihan ng magdala palagi ng jacket at payong sa tuwing uuwi ka sa inyo o kung may lakad ka man. Nung mga panahong iyon, init ng katawan mo ang aking karamay sa mga gabing malamig.  Para kang isang kumot at unan na aking kayakap sa tuwing ako ay giniginaw. 

Isang araw ay naghahanda ka para pumunta ng ibang bansa para magbakasyon, tinulungan pa kitang mag impake ‘nun. Nung isang araw na lang bago ang iyong flight, niyaya mo akong mag-almusal sa Mcdonald’s-Quirino. Sabi mo noon, gusto mo akong makita bago ka umalis, nagbilin ka pa sa akin na aalagan ko sarili ko at huwag labas ng labas, kung lalabas man ako ay dapat kasama ko si PJ at ang iba pa naming kaibigan. Tinanung kita kung babalik pa ba ang taong kausap ko ngayon o ibang tao na ba ang aasahan ko, sabi mo ay babalik ka ng buong-buo. Humiling lamang ako ng isang bagay pagbalik mo… Na sana masagot na ang mga tanung na matagal nang naghihintay ng sagot. Tatlong buwan na tayong nagkikita ‘nun, pero hindi mo masabi kung nasaan na ba ako sa buhay mo. Hindi ako makagalaw, hindi ko alam kung anu ba ako sa iyo? Nangako kang bibigyang kasagutan ang lahat ng iyon sa iyong pagbabalik. Nagkasundo tayong magkita sa isang takdang araw sa isang takdang lugar, at kapag hindi sumipot ang isa sa ating dalawa ay tapos na ang lahat sa atin. Mahirap din kasing maghintay at gumalaw sa isang mundong hindi ko alam kung saan ako pupunta. Nung mga panahong iyon, hindi ko na halos matiis ang sakit ng pag-iisip at paghihintay ng sagot.

Namatay ang lola mo habang ikaw ay nasa Vietnam, nagmamadali kang umuwi ng Pilipinas.

Dumating ang araw na tayo ay dapat na magkikita, hindi ka dumating, at doon ay tinapos ko na ang lahat sa atin. Kalagitnaan ng tag-ulan noon, kung gaano kalakas ang buhos ng malamig na ulan, ay siya ring buhos ng mainit kong mga luha.

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa lumipas din ang tag-ulan, dumating ang tag-lamig, wala akong narinig sa iyo at wala ka ring narinig sa akin. Ako na ang unang nagparamdam, dahil hindi kita matiis, kailangan ko ng paglilinaw, at kailangan kitang makita, dahil ako ay sadyang nangungulila sa iyo. Tiniis kita ng sobrang tagal, nanaig ang pangungulila, at tayo ay nagkita muli. Pumunta ako sa condo mo, at sa pagbukas mo pa lang ng pinto ay bigla kitang sinunggab ng isang mainit na yakap na kay higpit. Nangyari ang tulad ng dati, at ako ay gumising sa tabi mo na walang suot kung hindi ang malambot mong kumot at ang makisig mong braso na siyang aking unan. Idinikit ko ang mukha ko sa dibdib mo... Damang-dama ko ang iyong bawat paghinga, ramdam ko ang bawat tibok ng puso mo na siya namang aking gustong buksan para sagutin ang aking mga katanungan. Ako ba ay nasa loob niyan? Ito ba ay panandalian lamang, tulad nitong pagsisiping nating ito? Nung araw na rin iyon, tinanung kita kung minahal mo ba ako? Hindi ka sumagot. Hindi na tayo nagkita ng mahabang panahon pagkatapos ‘nun.

Lumipas ang halos isang taon… Sinamahan mo ako sa sa San Lazaro para kunin ang dokyumento ng aking resulta ng aking confirmatory test sa HIV. Niyakap mo ako ng mahigpit nung alam mong ako ay iiyak na, matapos kong malaman ang resulta. Alam mo na nung sandaling iyon na nagbago na ang buhay ko. Umupo tayo sa isang tabi at pinasandal mo ako sa balikat mo, umiyak na ako nung dumampi na ang ulo ko sa balikat mo, at niyakap mo ako ng mahigpit. Tila tumahimik ang paligid, hindi ko halos marinig ang ingay ng mga dumadaang sasakyan at ang mga paguusap ng mga taong dumadaan kahit ang pagsigaw ng mga tindera sa kalye, tumahimik ang mundo; wala akong naririnig kung hindi ang sarili kong pag-iyak, wala rin akong halos maramdaman kung hindi ang haplos ng mga kamay mo. Nanghina ako nung mga sandaling iyon, ikaw lamang ang taong kailangan ko, ikaw lamang ang taong gusto kong makasama nung mga panahong iyon; sa gitna ng aking kalungkutan.

Ilang araw ang nagdaan at nagpatest ka rin para malaman kung nahawaan kita, mabuti na lang at negatibo ang resulta.

Nung mga panahong iyon ay madalas tayong magkita dahil sinasamahan mo ako sa ospital. Nagtakda pa tayo ng isang araw at ng lugar na tayo ay magkikita para lang makapiling kita tulad ng dati. Makita lamang kita, ayus na sana, kailangan ko lang ng kasama, kailangan kita, ikaw lang at wala nang iba. Gusto kitang makita, gusto kitang makapiling, gusto kitang yakapin. Kahit makasama ka lang ay sapat na sana, ngunit hindi na naman natuloy. Sa kung anung dahilan, hindi tayo nagkita. Sumakay ako ng tren, sa gitna ng biyahe ng MRT papuntang Norte, na hindi ko alam kung saan ako bababa, ay iniyak ko lahat. Iniyak ko ang pangungulila ko sa iyo, iniyak ko lahat ng alaala mo, iniyak ko lahat ng bagay na tungkol sa iyo, na sana hindi na kita nakilala. Sana hindi na ako nangarap kasama ka, at sana hindi na lang ako nagplano ng mga bagay-bagay na kasama ka. Sana hindi na lang ako nagchat nung umagang iyon, at sana hindi kita nakausap. Sana hindi na lang tayo nagkita nung gabing iyon, para sana hindi na lang kita inibig. Sana ay hindi na lang ako umasa. Sana isang araw ay mapatawad mo ako, at sana mapatawad ko rin ang sarili ko. Hindi na natin maibabalik ang kahapon, ikaw ay isang alaala na lamang ng isang kabanatang kay sarap at kay lungkot. Anu man ang naging resulta ng ating pagkakakilala, masakit at mahirap man, sana may magandang kinalabasan.

Hindi na tayo muling nagkita o nagkausap pa, hanggang sa araw na ito.

Nagkakilala tayo nung umaga ng Mayo 2, 2009; isang umagang nagbago sa buhay ko. Sa taong nagpatibok ng puso ko at nagpabago ng takbo ng aking isip, maligayang kaarawan sa iyo.

Tuloy ang buhay.
















Saturday, November 5, 2011

Mga Lalake sa Buhay Ko (part II): Kiddielet


Wala akong maisip sabihin o maisulat
Mga mata  ay pula na at kita ang ugat
Kanina ko pa tinitingnan ang mga larawan,
nating dalawa galing sa baul ng nakaraan.

Naiinis ako, ang dami kong gustong sabihin,
sa’yo at sa buong mundong nakakabasa nito.
Pero halos wala akong maisulat, hay nako!

Inaantok na ako, at kahit lumang litrato,
‘di ako makapili o makapag-edit man lang.
‘la tuloy akong mairegalo o alay man lang.

Tatapusin ko na itong sinusulat kong ito.
Antok na antok na kasi ako, dudugtungan ko:

Para kang asukal
Sintamis mong magmahal
Para kang Pintura
Buhay ko ikaw ang nagpinta
Para kang unan
Pinapainit mo ang aking tiyan
Para kang kumot
Na yumayakap sa tuwing ako'y nalulungkot

Kaya't wag magtataka
Kung bakit ayaw kitang mawala

Kung hindi man tayo hanggang dulo
Wag mong kalimutan
nandito lang ako
laging umaalalay
hindi ako lalayo
Dahil ang taning panalangin ko ay ikaw

Hindi nga tayo naging tayo, ngunit ganun pa man
‘Di pa rin kita maiwan-iwan, siguro dahil…

Mahal kita.






Thursday, November 3, 2011

Mga Lalake sa Buhay Ko: PJ


Nakilala ko siya nung ako ay 17 na taong gulang pa lamang (28 na ako ngayon) at siya naman ay 16. Uso pa ang chat sa MIRC ‘nun. Adik ako sa kakachat doon. May kamahalan pa ang internet noon kaya sinusulit ko ang bawat oras at minuto na naka-online ako at nagchachat. Naalala ko pa noon, ang MIRC ay kung saan nagchachat talaga ang mga tao, nag-uusap talaga sa “main room” at may “interactions” na nangyayari,  ‘di tulad sa panahon ngayon na kung saan ang mga chatters sa MIRC ay walang ginawa kung hindi mag-post ng mag-post ng mga gusto at kasalukuyang kailangan nila na tila ba isa malaking real-time na Buy and Sell na lugar ang chat, parang sosyal na palengke ng mga naghuhumindig na mga kalamnan at kung anu-anu pa.

Ang tagal na rin pala naming magkakilala ni PJ. Nabigyan kami ng pagkakataong magkita ng personal nung ang #Salsalan ay bago-bago pa lamang. #Bi-Manila ang sikat na sikat na chatroom noon sa mga lalaking naghahanap ng kapwa lalake. Nakilala ko ang isa sa mga Operator ng #Salsalan at niyaya akong sumama sa kanilang EB sa may UST, na naging sa loob pala ng UST.  Sumama ako, medyo malayo-layo ang biniyahe ko ‘nun, kasi taga Rizal pa ako nung mga panahong ‘yun. Marami akong nakilala, ngunit si PJ ang naiiba. Naka-blusang itim kasi at may cutix na itim ang mga kuko sa daliri, fit na pantalon na halatang pambabae at sapatos na parang pambabae. Sa isang grupong punong-puno ng mga baklang discreet daw, si PJ ang baklang-bakla.

Parang alang kumakausap sa kanya nung gabing ‘yun, bukod sa pagirl kasi siya, mukhang mataray din kasi. Nilapitan ko siya at kami’y nagkakilala. Mula ng gabing iyon, kami na palagi ang naguusap at magkasama, kasali na rin ang Operator ng #Salsalan na dahil sa ka-close namin ay binigyan kami ng Operator Acess sa channel na ‘yun na mahirap makuha, na hindi naman namin ginamit, aanhin ba kasi namin ‘yun?

Madalas kaming lumabas noon, si kuya Operator ang aming taga-gastos, pulubi pa kasi ako ‘nun, si PJ naman ay sapat lang sa pambaon niya sa kolehiyo ang pera. Kung saan-saan din kami napadpad, tatlong baklang magkakaibigan na iba-iba ang lebel ng pagka-bakla; mula sa lalaking-lalake na hindi daw siya chumuchupa at exclusive top daw siya, isang medyo halatang bakla na payatot, at isang pa-girl. Masaya kaming tatlo ng mga panahong iyon, mga bata pa kasi at mga wala pa masyadong iniisip sa buhay. Nag-ma-Malate na kami ‘nun sa murang edad, napadpad pa nga kami sa may Quiapo dahil may isang lugar doon na tambayan ng mga bakla, mala-beerhouse ang dating, Cocoon yata ang pangalan na naging Butterfly pagkalipas ng ilang buwan. Sinali pa nila ako sa isang contest sa Jeff’s CafĂ© sa may Philippine Women's University nanalo naman ako ng 3rd place sa limang contestants. Wala naman akong ginawa kung hindi maghubad at magpacute. Hindi pa uso ang cellphone ‘nun kaya sa landline kami nagtetelebabad. 3-way pa nga eh, may techniques din kaming alam para malaman kung call-waiting kami o hindi. Inaabot kaming tatlo ng umaga sa kakatelebabad at sa kakapakilala sa kung sinu-sinung lalakeng chatter sa telepono. Nagtatago pa ako sa ilalim ng hagdanan para hindi ako marinig sa taas at mapagalitan ng aking mommy ko. Naging saksi din ako sa mga naging lalake ni PJ, at nasaksihan din niya kung sinu-sino ang mga nakahumalingan kong lalake. May mga pagkakaton pa nga na naka-date pala niya ang ilan sa mga ni-date ko o mga nanligaw sa akin. Hanggang sa nakilala ko si Angel.

Ayaw ni PJ kay Angel (hanggang ngayon), dahil sa tingin niya ay hindi naging makatarungan si Angel sa pagpipigil ng mga bagay na gusto kong gawin. Sa opinyon niya ay nawalan daw ako ng kabataan. Lumipas ang ilang taon, magkaibigan pa rin kami ni PJ. Hanggang sa naghiwalay kami ni Angel pagkaraan ng anim na taon. Hanggang sa may ilang lalake pa akong nakilala na nagpatibok ng puso ko, kinalokohan ko, iniyakan ko, kinabaliwan ko, at kung ano-anu pa. Naging saksi si PJ sa mga mahahalagang pangyayari sa buhay ko.

Naalala ko pa ang gabi na sinabi ko sa kanyang may HIV na ako. Hinding-hindi ko makakalimutan kong paano siya umiyak at sinabing “akala ko ako ang mauuna sa ating tatlo, ikaw pa rin pala, because you are the best slut in town”.  Mas umiyak pa siya kaysa sa akin nung nalaman ang kundisyun ko. Natulog ako sa bahay niya nung gabing iyon. Gumising ako na gising pa siya at nagreresearch tungkol sa kundisyon ko, ang mga batas, ang mga dapat gawin, at kung paano niya ako matutulungan. Makaraan ng ilang linggo, may mga ilang bote na ako ng mga supplements na binili niya pa sa Amerika para sa akin. Para bumagal daw ang pagbaba ng immune system ko. Ngunit ayun sa mga tests ng CD4 ko, mabilis pa rin ang pagbagsak ng katawan ko.

Malapit na ang kaarawan ni PJ. Sa parehong buwan kami pinanganak, at simula nang maging magka-opisina kami  ay sabay na kaming naghahanda sa opisina para sa kaarawan naming dalawa.

Mahigit isang dekada na rin tayong magkaibigan, PJ. Maraming salamat sa lahat ng pag-gabay mo sa akin at sa mga naitulong mo. Ngayong gabi habang sinusulat ko itong sulat na ito sa loob ng iyong bahay, sa iyong sofa,  ay inaalala ko ang mga malulungkot at masasaya nating mga araw, mula nung tayo ay mga neneng-baklita pa hanggang sa ngayong medyo thunders na.  Naalala mo ba noong sinusundo pa kita sa kolehiyo mo at nakikiseat-in ka pa sa klase ko at ikaw ang sumasagot para sa akin at ginagawan mo pa ako ng mga bagong projects sa Database Management kong subject? Kaya ako napeperfect sa subject na iyon? Salamat ng marami! Salamat sa pagkakaibigang singtibay ng baklang inapi ng panahon. Hindi man tayo inaping mga becks, mas matibay pa tayo sa api, mas matibay at malakas pa ang pagkakaibigan natin kaysa sa mga hagupit ng mga bagyo. Pasenysa ka na pala sa mga panahong nabalewala kita dahil sa mga kinalokohan kong lalake noon. Napatunayan ko na naman sa sarili ko ngayon, na ang mga lalake, dumarating at umaalis, nawawala, pero ang tunay na kaibigan, andyan pa rin, anu man ang mangyari, at hamak na mas importante.

Salamat sa maraming taong pinagdaanan natin at sa marami pang darating pa. Andito lang ako, ang kaibigan mo. Alay ko sa iyo itong sulat na ito, isang pasasalamat sa pagkakabigang totoo. Pangako ko sa iyo, ako ay narito lamang kapag kailangan mo. Sandalan mo ako kapag gusto mo, at hawak kamay nating lalakbayin ang mundong ito, hanggang sa iyong huling hininga, andun ako, sa tabi mo. 




Si PJ ay isang paminta na ngayon, guwapo, matangkad, maputi, medyo mabuhok, chinito, may sariling gym sa bahay, at hindi na nagsusuot ng blusang itim.